Tagged: anakbayananniversary

Maghimagsik Laban sa Sistemang Pork Barrel at mga Ugat ng Kahirapan! Ipagtagumpay ang Sinimulang Laban ni Gat Andres Bonifacio at ng KKK!

Image Walang kaparis at lalo pang sumasahol ang mahirap na kalagayan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng Rehimeng US-Aquino II. Naghihirap ang mayorya ng mamamayan habang lumalangoy naman sa salapi at pera ng taumbayan ang iilang naghaharing uri, mga panginoong maylupa, at mga kasabwat nito. Tuloy-tuloy na nabunyag ang kabulukan ng Rehimeng US-Aquino II nang bumaliktad ang mga kasabwat nito sa scam ng PDAF o mas kilala sa tawag na Pork Barrel. Hindi lamang yan, kamakailan lamang ay inamin ni Noynoy na ang paglikha ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na mahigit sa P100B para ipansuhol sa mga mambabatas upang i-impeach si dating Punong Mahistrado Renato Corona. Samantalang ipinagtatanggol ni Aquino ang pagkakaroon ng Presidential Special Funds (PSF) bilang pondo umano para sa paghahanda sa mga disaster, kitang kita naman ang kainutilan ng rehimen sa pagresponde sa disaster gaya na lamang ng nangyari sa Visayas ng tamaan ng super bagyong Yolanda. Lumabas na wala palang nakalatag na konkretong plano ang gobyerno kahit pa sinasabi ni Aquino na ang bulto ng pera na nasa ilalim niya ay para sa mga ganitong sakuna at disaster. Lantad na lantad din ang pagkatuta ni Aquino sa Imperyalismong US. Nito lamang nakaraan, ginamit pa ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario ang nangyaring kalamidad para bigyang katwiran ang muling pagbabase ng mga tropang Kano sa Pilipinas. Para sa gobyernong Aquino, ang kawalan ng kahandaan at kongkretong plano ng rehimen sa mga kalamidad ay mangangahulugan ng habampanahon na suporta mula sa US. Sa kabila ng mga kaliwa’t kanang panawagan, nananatiling bingi ang Hacienderong si Aquino sa usapin ng pagpapamahagi ng Hacienda Luisita at tunay na reporma sa lupa. Sa halip na kusang ipamahagi ang Hacienda Luisita, binigyan pa ng konsesyon ang pamilya Cojuangco-Aquino na i-raffle ang mga lupang ipapamahagi sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Dito na lamang sa Cordillera, nananatiling hawak ng mga dayuhang kompanya ng mina ang mga malawak na lupain na nakakalasipika bilang lupang ninuno o ancestral domain. Walang inaasahan ang mga manggagawa sa isang rehimeng pinapatakbo ng mga malalaking kapitalista at komprador. Nananatiling nakapako sa di nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa habang patuloy naman silang binabatbat ng mataas at hindi abot-kayang bilihin. Idagdag pa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at singil sa kuryente at tubig. Hindi lamang kabuhayan kundi maging kabahayan ng mga maralita ay patuloy na nanganganib sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II. Walang puknat ang mga operasyong demolisyon ng rehimen para bigyang daan ang mga proyekto ng mga malalaking kapitalista at mga komprador. Hindi lamang iyan, maging ang mga relocation sites ay pinagkakakitaan din ni Aquino. Hindi rin nakaligtas ang mga pampublikong ospital sa mga pakanang komersyalisasyon ng rehimen. Nananatiling malayo sa abot ng mamamayan ang isang dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Madilim ang bukas para sa mga kabataan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II. Patuloy na ipinagkakait ni Aquino ang edukasyon para sa malawak na bilang ng mga kabataan. Pilit rin na isinusubo ni Aquino sa mga kabataan ang isang edukasyong pabor at naglilingkod sa dayuhan na K-12. Sa kabila ng napakalaking perang nakalaan sa pork barrel, binabarat at pinagkakaitan naman ni Aquino ng badyet ang mga State University and Colleges (SUCs) na maaari sanang pasukan ng mga mag-aaral na maralita. 79 SUCs ang nakaambang magtaas ng matrikula sa darating na pasukang 2014. Sa halip, itinutulak ng gobyernong Aquino ang mga kabataan na kumuha na lamang ng mga kursong teknikal at bokasyunal na siya namang nagpoprodyus ng mga semi-skilled workers na kailangan, hindi ng Pilipinas, kundi ng mga dayuhang bayan. Hindi lamang kaltas sa badyet kundi ang patuloy na kakulangan sa silid-aralan, guro, mga bagong libro, at mga pasilidad ang hinaharap ng mga kabataan. Pero nananatiling nakatanga lamang ang gobyerno at inutil sa ganitong suliranin ng mga kabataan. Ang patuloy na pagsahol at pagkabusabos ng kalagayan ng mamamayan at kabataan sa ilalim ni Aquino ang nagtutulak sa mga kaliwa’t kanang protesta at paglaban. Sa kanayunan, papatindi ng papatindi ang militarisasyon sa mga komunidad. Hindi na maikubli ng rehimen ang tunay na layunin ng Oplan Bayanihan na hindi para sa pagtulong kundi para pang-opensiba sa mga kaaway ng estado at patuloy na pagmilitarisa sa mga komunidad. Maging ang napakaliit na espasyo ng mga ligal na pakikibakang masa ay hindi rin pinatawad ni Aquino. Sa 140 na kaso ng extra-judicial na pagpaslang sa ilalim ni Aquino, mayorya dito ay mga lider-magsasaka, mga katutubo, at mga aktibista na tutol sa pagmimina. Wala ring tigil ang psychological warfare ni Aquino maging sa mga lugar ng kapayapaan tulad ng eskwelahan. Sa halip na pakinggan ang mga lehitimong kahilingan ng mga mamamayan, pagpaslang at paglabag sa karapatang-tao ang isinasagot ni Aquino. Ang pagiging mala-kolonyal, mala-pyudal, at paghahari ng Imperyalismo, Burukrata-Kapitalismo, at Pyudalismo ang ugat ng kahirapan ng mga kabataan at sambayanan. Mala-kolonyal dahil nanatiling tali sa dikta ng Imperyalismong US ang pamamalakad sa gobyerno sa pamamagitan ng mga burukrata-kapitalista gaya na lamang ng pagpapatupad ng sistemang pork barrel. Mala-pyudal naman dahil nananatili sa control ng iilang panginoong maylupa ang malawak at mayorya ng mga lupain. Tanging sa pagsusulong at pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong pakikibaka mawawakasan ang ganitong klaseng Sistema at makakamit ang karapatan sa trabaho, lupa, edukasyon, at serbisyong panlipunan. Wala nang inaasahan ang mga kabataan at mamamayan matatamo ang kaginhawaan at tunay na pagbabagong panlipunan sa ilalim ng isang haciendero at tuta ng Imperyalismo na si Aquino. Di katulad ng mga pangako ng eleksyon, bahagi ng pambansa-demokratikong programa ang pagkamit sa mga interes ng mamamayan at pagtanggal sa pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga elitista: kontrol sa ekonomiya, kapangyarihang military, at suporta ng US.   Itinuturo ng kasaysayan na walang matatamong ginhawa at pagbabago ang mamamayan hangga’t nasa ilalim ng control ng Imperyalismong US at mga lokal na kasabwat nito ang estado at lipunan. Tulad ni Bonifacio na isang kabataan nang pamunuan ang rebolusyon, dapat na pamunuan natin ito at ipagtagumpay ang rebolusyunaryong pakikibaka!

ISULONG ANG PAKIKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA!